Lorna Franco 1970 – 2015

Nakita ko yung huling post ko bago to, yung Bullet Journal na ginawa ko. At ang nakakatawa doon ay sobrang kabaliktaran yung ako sa blog post na yun at ako sa blog post na ito — at sa pagitan lang yun ng isang buwan mahigit.

Actually, nung August nagpunta ako sa Pilipinas. Anim na buwan lang mula nung huling uwi ko. Ang rason ay dahil namatay yung tita ko mula sa sakit na Cancer.
Siya lang ang nag iisang kapatid na babae na mama ko at kami-kami lang ang magkakasama noon sa bahay kasama ang kapatid ko at lola ko. Hindi ko alam ang mararamdaman. Sobrang lungkot dahil nabawasan nanaman ang pamilya namin sa loob lamang ng anim na buwan, at dahil nabawasan nanaman ng baliw sa aming bahay. Pero syempre nahaluan na rin ng kapanatagan dahil alam ko na hindi na siya hirap ngayon doon kung nasaan man siya.

Merong part doon sa burol niya na maikling programa na nagpakita ng video presentation tungkol sa kanya, maikling misa at dasal at sa huli ay maaaring magsalita ang mga tao tungkol sa kanya. Gusto ko magsalita ngunit, hindi ko kaya. Hindi ko kaya magsalita ng hindi humihikbi at pag nagsimula na akong umiyak, siguradong hindi na ako makakatigil.

Sabi sa akin noon nung napasama ako sa GIP, ‘Parang ang sungit ng tita mo. Parang strikta.’ Napangiti nalang ako kasi ang hindi nila alam, baliw din ang tita ko sa bahay. Tipong sumasayaw nalang bigla at kumikembot, kumakanta bigla kahit nasa public place at lagi namin siyang inaasar na “humuhuni nanaman ang ibon” kasi nga choir member siya at laging nagppractice ng kanta o nag vvocalize bigla kung saan-saan. Ugali din niya yung biglang papasok sa bahay at sasabihing “Gusto mo ba ‘to? Di ko na ginagamit tong (bag, blouse, sapatos)”. At dahil magkasize din kami ng paa, sa kanya ako nanghihiram ng sandals na kailangan ko.

Sabi nila pag namatay ka daw, biglang ikaw na ang pinaka mabait na tao sa mundo at ang dami mong kaibigan bigla. Yung tita ko, hindi ganon. Kahit noong buhay pa siya, masasabi ko na talaga na mabuti siyang tao. Siya yung hindi marunong magalit unless kailangan, katulad noong pinagagalitan niya ang lolo ko kasi laging umuuwi ng lasing sa bahay, pero hindi ka niya sisigawan o kakagalitan dahil meron kang pagkakamali. Pupuntahan ka niya sa kwarto at kakausapin ng malumanay at ieexplain sa iyo kung anong pagkakamali mo.

Siya yung bigla na lang magtatanong sa aming magkapatid kung gusto ba namin magpadeliver ng ganito o ganun, tapos kami naman tatawag sa telepono para magpadeliver ng fastfood at tuwang tuwa naman kami. Kami din yung magpaparinig sa kanya na “sweldo ata ngayon a, parang ang sarap mag pizza” tapos maya maya sasabihin nun, magpadeliver na kami. Minsan naman sasabihin na lang niya “O, baba kayo doon may dala akong ganito o ganyan sa baba.” Hindi siya madamot. Kuripot siya oo, kilala na namin siyang ganun dahil marunong talaga siya humawak ng pera, pero pag dating sa aming mga pamangkin niya, o sa lolo at lola ko, hindi siya magdadalawang isip na maglaan ng pera.

Simula pa noon, taong 2009 – 2010 na nagsimula siya ma-diagnose na may benign breast tumor at nag pa-opera, hindi mo siya mariringgan ng reklamo na nakakapagod o mahirap o nakakasawa na. Lalo na yung nag iisang araw na hinding hindi ko malilimutan. May breast cancer na siya noon at nagsimula nang mag Chemotherapy. Nalagas na yung buhok niya at bumili siya ng wig na gagamitin niya pag pag pasok sa trabaho. Noon unang araw niya na suot yung wig, tingin siya ng tingin sa salamin at nahihiya daw siyang lumabas, halata daw ba na wig. Sabi ko sa kanya na ayos lang yun, maayos naman at bagay naman sa kanya. Lumabas kami nun ng bahay, at yung tingin niya sa mga taong nakatingin, nginingitian niya sila at parang natatawa na lang siya sa sarili niya. At ako naman yung pigil na pigil na naluluha dahil ang tapang ng reaksyon niya at naiinis na din ako sa mga kapitbahay na chismosa na gusto kong sigawan na ngayon lang ba sila nakakita ng taong may sakit, pero mostly naiiyak ako nun kasi nakita ko sa kanya na siya pa yung parang nahihiya na baka ano ang sabihin ng iba at nakakaproud dahil kinaya niya at kinaya nya sa positibong paraan. Hinding hindi ko malilimutan yung ngiti niyang yun. Yung moment na yun. Nakatatak sa utak ko.

Noong araw ng burol niya, ang daming nagpunta, ang daming nakiramay, personal at thru Facebook. At hindi mo lang doon makikita yung condolence kundi mababasa mo din doon yung message nila kung paano siya naging inspirasyon sa kanila. Isa kasi siya sa mga officers ng Youth Bureau ng Manila City Hall kaya maraming dumaan na kabataan sa kanila na binigyan nila ng trabaho thru GIP and SPES. Mga kabataan na hindi lang nila inilayo sa tambay at binigyan ng summer activities kundi bingyan nila ng mga bagong kaalaman at ginising ang pagmamahal sa bayan.

Mamimiss ko yung kakulitan ng tita ko lalo na yung pag upo niya sa tabi mo tapos bigla kang kukurutin sa bilbil. Yung uutusan ka bumili ng coke sa tindahan, yung aayain ka mag mall. Yung prisensya nya sa bahay at yung pagiging jolly niya na akla mo walang pinagdadaanan.

Ang sarap din pakingan nung misa na nilaan sa kanya doon sa simbahan kung saan siya nag choir. Personal siyang kilala ng pari kaya personal din yung homily at kinuwento niya kung paanong isang araw ay nagusap sila ni tita at sa paguusap nilang iyon at pinagdasal niya si tita at doon biglang tumulo ang mga luha ni tita, hindi daw dahil sa hirap o galit kundi dahil sa pagtanggap sa prisensya ng Panginoon at pagtanggap sa plano ng Panginoon para sa kanya.
Sobrang nakakagaan sa pakiramdam na makita at marinig sa mga kakilala niya at kaibigan kung anong naidulot niya sa kanila dahil habang mayroong isang tao na dala dala yung mga aral na naiwan niya, mayroon pa ding tita Lot na nagkalat sa buong Maynila.

I love reading your comments!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s